
"Use Your Coconut!" Ganiyan na lamang ang tili ni Bb. Bagsakgrado sa kanyang estudyanteng nangangamote. Bagama’t sinuwerte si Juana’t hindi siya nakatikim ng ganitong uri ng pangangarinyo mula sa kanyang mga guro, dinibdib niya ang mga salitang ito sa kanyang pagluluto.
Ang paggamit ng niyog sa lutuing Pilipino ay di naiiba sa paggamit nito sa lutuin ng mga kultura sa Timog-silangang Asya. Ang estilo ng pagsasama ng gata’t sili sa ulam ay matatagpuan di lamang sa lutuin ng Timog Luzon kundi pati ng Thailand, Vietnam, Cambodia, Laos, Indonesia, Malaysia, Singapore hanggang Sri Lanka.
Gayon na rin ang paggamit ng gata at laman ng niyog sa mga panghimagas ng mga kulturang nabanggit. Ang ating mga minatamis na ginataanhalu-halo, mais, munggoay di nalalayo sa bobo-chacha ng lutuing Malayo’t Nonya, at sa kluay buat chee ng mga Thai. Di malaki ang pagkakaiba ng ating suman sa ibos na may mangga sa mamuang kao neow ng mga Thai. Mas malapit ang pagkakahawig ng ating maja blanca sa takaw ng mga taga-Laos kaysa sa blancmange ng mga Pranses. At ang salitang niyog ay tinutumbasan ng salitang nyiur sa Bahasa Indonesia!
Napakalaki ng papel na ginagampanan ng niyog sa ating pangminindal. Mayroon pa bang mas mabisang pamatid-uhaw sa panahon ng tag-init kaysa sa isang baso ng malamig na bukong pinabango ng pandan? O sa banayad na pagdulas ng gulaman at gata ng ginumis sa lalamunang nanunuyo? Isipin na lamang ang puto, kutsinta, palitaw, o ang suman sa lihiya na hindi iginulong sa bagong-kudkod na niyog. O ang nanlilitaw na kahubdan ng leche flan kapag inihahapag nang walang katambal na makapuno.
Ang niyog ay naparangalan na rin sa ating sining. Ang mga Bisaya ay may awiting-bayang pinamagatang Lubi-lubi. Kahit na ang makatang Rolando Tinio (1937- ) ay sumulat ng elehiya para sa isang maggiginatan. Heto ang ilang taludtod mula sa kanyang tulang "Mirindal," na kung saan inihahambing niya ang pagluluto ng ginataan sa isang banal na ritwal:
Paminsan-minsa’y may alok siyang ginatan,
Halo-halo o munggo, hindi mo mahuhulaan.
Hindi ka titiyakin kung alin ang itatanghal
Sa Palayok na pinangangalirang
Ng nakapulupot na basahan.
Paminsan-minsan.
Di sa iyo matitiyak
Kung kailan papatak ang Araw ng Ginatan.
Usugin mo ma’y hindi kayang mangako.
Akala mo’y kautusang banal
Ang nag-uudyok magluto.
Paano niya mapapangahasan?
At bilang huling papuri sa yumaong maggiginatan, na inihalintulad ng makata sa isang diyosa:
Sabi nila: Hindi magluluwat
Magbabangon sa libingan ang Aming Magiginatan.
Sumasampalataya ako.
Tuwing mag-aalas tres,
Ang parang panata nang panunungaw,
Kaprasito ng puso’y sumisiklot,
Medyo nangangamba’t natatakam,
Bago harapin ang tason ng kape’t
Maruya, puto-sulot o, kung minsan, palitaw.
Dahil sa inspirasyong idinulot ng tulang ito’y naisipang ihandog sa inyo ni Juana ang dalawang recipe ng ginataan.
Ginataang Munggo
Mga sangkap: - Sa bawat isang bahagi ng malagkit ay kakailangin ninyo ng 6 na bahaging kinanaw na gata. - munggo (bahala na kayo sa dami) - asukal at asin bilang pampalasa Magpainit ng kawali at saka isangag ang munggo hanggang sa medyo matosta ito. Alisin sa kawali ay biyakin ang munggo sa pamamagitan ng pilon o kaya’y padaanan ito ng bote o rolling pin.
Pagsama-samahin ang malagkit, gata’t munggo sa isang kaldero’t pakuluin ang mga ito. Haluing paminsan-minsan upang huwag manikit sa kaldero ang ginataan. Kapag luto na ang malagkit, timplahan ng asukal at asin.
Ginataang Mais
Tulad rin ito ng paggawa ng ginataang munggo ngunit sa halip ng munggo ay lagyan ang ginataan ng kinudkod na murang mais at sago. Dahil sa nakapagpapalapot rin ang mais at sago, maaaring dagdagan ng gata ang ginataan upang palabnawin ito.
18.XI.1996 ![]()