
Bandong Conference Dahil sa ang mga pahinang ito’y ang pinaka-virtual kusina ni Juana, inakala niyang nararapat lamang na pasimulan ito sa pamamagitan ng isang pagmumuni-muni tungkol sa kanyang mga matatalik na cyberkaibigang Candy at Butch Bandong.
Ilang tala tungkol kina Candy at Butch. Nagsimula ang pagkakaibigang ito mahigit dalawang taon nang nakalipas. Nakatanggap kasi noon si Juana ng isang cyberliham mula kay Ginoong Bandong tungkol sa isang artikulong isinulat niya sa grupong soc.culture.filipino sa Usenet. Mula sa isang sulat, ito ay naging dalawa, tatlo, apat, hanggang sa bandang huli'y nagkita ang mag-asawa’t si Juana sa isang salu-salo ng ilang magkakasulatan sa scf. Gayon na lamang ang gulat ni Juana nang malamang si Candy pala’y anak ni Prop. Alfredo Lagmay ng UP, isang kilalang pantas ng sikolohiya’t beteranong parokyano ng kanyang ama. Iba na talaga ang kapangyarihan ng Information EDSA!
Higit na dumami ang pag-uututang-e-mail ng mga ito, at tunay na nagalak si Juana sa pagkakakilala sa mga Bandong. Mapaluha o mapahalakhak, masasabing marami nang pinagdaanan ang pagsasamahang nagsimula sa isang mensaheng tumawid sa pinagtagni-tagning mga kompyuter ng Internet. Upang mapaunlakan ang kanilang pagkakaibigan, kinalatog muli ni Juana ang kanyang paminggalan at sinubukang buhayin ang kanyang inihapag sa unang tanghalian ng mag-asawa sa kanyang tahanan.
Muling paalaala, hindi gumagamit si Juana ng tiyak na sukat. Sa pagluluto ng ginataang manok at ng iba pang mga recipe na lalabas sa pahinang ito, isa lamang ang payo ng abang kusinera. Kung kayo’y takot tumulay sa alambre, makabubuting pagsama-samahin muna ninyo ang mga panimpla sa isang mangkok o maliit na palanggana bago idagdag nang unti-unti ang mga ito sa mga pangunahing sangkap. Kung kayo nama’y matatag ang sikmura’t hindi ang tipong mag-aatubiling ngumuya ng blade, ay siya! Sa kaldero o kawali na ang timpla!
Ginataang Manok
Mga sangkap: - apat na pecho ng manok, inalisan ng buto’t hiniwa nang pakuwadrado - kakang gata (kayo ang bahala sa lapot ng sarsa) - dahon ng malunggay Mga panimpla:
- tubig na sapat upang matakpan ang lahat ng manok - suka (bahala rin kayo sa asim; bagama’t di nakamamatay ang suka ay alalahanin ninyo ang kakayahan ng sikmura ng inyong palalamunin) - isa’t kalahati hanggang dalawang ga-hinlalaking piraso ng luya, ginayat - isang ulo ng bawang, pinitpit - siling labuyo (isipin ang mga panauhin; hindi lahat ng dila ay gawa sa asero) - ilang dahon ng laurel - ilang dahon ng dayap - pamintang durog, patis, asin at kaunting asukal Magpainit ng kaldero. Kapag mainit na ito, lagyan ng kaunting mantika at igisa nang bahagya ang manok. Ibuhos ang tubig at timplahan ng luya, bawang, siling labuyo, paminta, dahon ng laurel at dayap, patis, at asin. Palambutin ang manok sa mahinang apoy.
Kapag medyo malambot na ang manok, idagdag ang kakang gata. Patuloy na lutuin ang manok hanggang sa tuluyan nang lumambot ito. Alisin ang manok sa kaldero at palaputin ang sarsang gata. Kapag sapat na ang lapot ng sarsa, ibalik ang manok at idagdag ang dahon ng malunggay. Alisin sa apoy ang kaldero. Hayaang ang init na nalalabi sa kaldero ang magluto sa dahon.
Iminumungkahi ni Juana na kayo’y makinig sa umaatikabong awiting Closer ng Nine-Inch Nails habang niluluto ang makapasong-dilang ulam na ito. At huwag kalilimutang magsaing ng maraming kanin at maglaan ng maraming tubig sa pridyider.
Guisadong Habichuelas
Mga sangkap: - kalahating librang habichuelas, hiniwa nang pahilis sa tigdadalawang-pulgadang piraso - apat na hilatsang bacon, hiniwa nang tagkakalahating-pulgadang piraso - isang malaking sibuyas, tinadtad - isang malaking kamatis, hiniwa - sabaw ng manok, sapat para magkasarsa ang ulam Mga panimpla:
- patis, asin, pamintang durog Magpainit ng kawali. Kapag mainit na ang kawali, ilagay ang bacon. Habang pinalulutong ito, patuloy na alisin ang mantikang lalabas mula sa taba nito. Kapag malutong na, alisin sa kawali at mag-iwan ng kaunting taba ng bacon dito.
Igisa ang sibuyas sa mantika ng bacon. Kapag maaninag na ang sibuyas, isama dito ang kamatis at patuloy na igisa ang recado hanggang madurog ang kamatis. Ibalik ang bacon at isama ang hiniwang habichuelas. Buhusan ng kaunting sabaw ng manok at timplahan ng patis, asin at paminta. Huwag gaanong lulutuin ang habichuelas at nang manatili ang lutong ng gulay.
Pagkatapos ng Nine-Inch Nails, angkop lamang na pakinggan ang pag-awit ni Shirley Horne ng standard na A Time for Love. Kung baga sa ugnayan ng maanghang na ginataang manok sa gisadong manamis-namis na gulay, kailangang balansehin ang init.
15.XI.1996 ![]()