
KAKANIN KUNING-KUNING Opo, mga giliw na mambabasa. Sinumpong na naman ng sipag si Juana, subalit dahil sa ang kanyang sumpong ay nasabayan ng diwang lugmok sa burak, ay naisipan niyang ihandog sa inyo ang kakaning kung tawagi’y Oros-Oros.
Di pa rin alam ni Juana kung saan nagmula ang pangalan ng kakaning ito. Bagama’t sa pangkasalukuyang panahon ay nagkaroon na ng mahalay na bahid ang taguri sa abang pangminindal, ang kanyang hinala ay nanggaling ito sa salitang oros, na siyang tawag sa baryang gintong nakaguhit sa barahang Kastila.
Tulad ng butsi (mochi sa Intsik at Hapones), ang oros-oros ay mga bola ng galapong na may palaman. Nagkakaiba lamang ang dalawa sa palaman at sa pamamaraan ng pagluluto.
Oros-Oros
Mga sangkap: - 3 tasang malagkit - 1 ˝ tasang tubig Paghaluin ang malagkit at tubig sa isang lalagyang maaaring gamitin sa microwave. I-microwave hanggang sa maging mainit, subalit di kumukulo, ito. Alisin sa microwave at hayaang nakababad ang bigas nang dalawa hanggang dalawa’t kalahating oras.
Palaman:
- kinudkod na niyog - isang kurot ng anis, isinangag at dinurog - asukal na pula Paghalu-haluin ang mga sangkap ng palaman. Ilagay ang mga ito sa isang kawali at lutuin hanggang sa matunaw ang asukal at maging malapot ito. Alisin sa init at palamigin.
Pamahid:
- kaunting gatang hinaluan ng asukal
Gilingin ang bigas, kasama ng pinagbabarang tubig, sa isang gilingan o sa blender. Kung blender ang inyong gagamitin, hatiin sa ilang bahagi ang bigas. (Iminumungkahi ni Juanang pakinggan ninyo ang awiting To Bring You My Love ni Polly Jean Harvey sa inyong paggigiling. Ayos na ayos ang ritmo nito sa bigat at lapot ng galapong.) Bilutin ang galapong nang parang malalaking holen. Pipiin ang bawat isa’t palamnan ng halo ng niyog, asukal, at anis. Pagtagpu-tagpuin ang mga dulo ng piniping galapong at biluging muli.
Maglatag ng dahon ng saging sa isang cookie sheet. Ilagay dito ang mga pinalamnang bola ng galapong. Pahiran ng gata ang ibabaw ng mga oros-oros. Ihorno sa oven na nakasindi sa broil hanggang sa maging ginintuan ang kulay ng mga ito. Ihapag habang mainit.
2.XII.1996 ![]()
| SA KUSINA NI JUANA |
| PAMBUNGAD | ANG MGA NILALAMAN | ANO'NG ULAM? | O, KAY TAMIS! |
| CYBERLONGGANISA | BAGONG LUTO!!! |
| MGA TIRA |